Isang mundong puno ng kasiyahan, may hiwaga ang bawat ngiti
Daigdig ay nababalot ng tuwa, minsa'y di pansin ang sanhi
Mga pusong napuspos ng ligaya, mga matang nagagalak sa tuwina
Damdamin ay kay gaan, naaaninag sa mukha ang kalayaan
Mga taong may pusong buhay, natutuwa sa maliliit na mga bagay
Panahon ng kagalaka'y di pinalalampas, hangga't maaari'y di ipagpapabukas
Maaliwalas nilang pamumuhay, wari'y walang kabiguang naghihintay
Di ba't pagkakataon din ang nagdidikta ng kapalaran ng buhay?
Di ba't ang buhay ay ganyan, kailangan din ng kasiyahan?
Di ka naman naiiba, katulad mo lamang sila
Gaya kong ngayon ay umaalala, pilit ngumingiti sa problema
Di ba't kasiyahan mo'y kaligayahan ko rin naman?
Di ba't ako man din ay may karapatan at mayroong kalayaan
Na kahit minsa'y lumigaya at sandaling lumimot sa problema?
Di ako nag-iisa, alam kong palagi kitang nakakasama
Sa bawat segundo, minuto at oras, sa bawat araw na lumilipas
Sa bawat pagpatak ng ulan, sa pagsikat ng bagong umaga
Di ba't naiisip mo ring laging ngumiti, humalakhak at tumawa?
Naitatago mo ang kasawian, naiwawaksi mo ang pangamba
Pagkatao mo'y iyong pinapasigla, sinasabi mong 'bahala na'
Sa araw na ikaw ay lumuluha, di pa rin pansin ng iba
Sa pagkakataong naiisip mong sumuko na, sinasabi mong 'ayoko na'
Ngunit di mo ba alam na may wakas ang pagtangis, na darating din ang pag-asa
Sa oras na iyon ay wala ng pighati, papahirin na ang iyong mga luha
Kaya kung sa tingin mo'y umaandap-andap na ang pag-asa
Tumingin ka sa paligid mo, sa kalangitan ay tumingala ka
Sa mga ulap ay may kasagutan, makakasumpong ka ng kaibigan
Mauunawaan mong di ka nag-iisa at malalaman mong DI KA NAIIBA... kaibigan!