Sunday, February 6, 2011

Di Ka Naiiba

Isang mundong puno ng kasiyahan, may hiwaga ang bawat ngiti

Daigdig ay nababalot ng tuwa, minsa'y di pansin ang sanhi

Mga pusong napuspos ng ligaya, mga matang nagagalak sa tuwina

Damdamin ay kay gaan, naaaninag sa mukha ang kalayaan



Mga taong may pusong buhay, natutuwa sa maliliit na mga bagay

Panahon ng kagalaka'y di pinalalampas, hangga't maaari'y di ipagpapabukas

Maaliwalas nilang pamumuhay, wari'y walang kabiguang naghihintay

Di ba't pagkakataon din ang nagdidikta ng kapalaran ng buhay?



Di ba't ang buhay ay ganyan, kailangan din ng kasiyahan?

Di ka naman naiiba, katulad mo lamang sila

Gaya kong ngayon ay umaalala, pilit ngumingiti sa problema

Di ba't kasiyahan mo'y kaligayahan ko rin naman?



Di ba't ako man din ay may karapatan at mayroong kalayaan

Na kahit minsa'y lumigaya at sandaling lumimot sa problema?

Di ako nag-iisa, alam kong palagi kitang nakakasama

Sa bawat segundo, minuto at oras, sa bawat araw na lumilipas



Sa bawat pagpatak ng ulan, sa pagsikat ng bagong umaga

Di ba't naiisip mo ring laging ngumiti, humalakhak at tumawa?

Naitatago mo ang kasawian, naiwawaksi mo ang pangamba

Pagkatao mo'y iyong pinapasigla, sinasabi mong 'bahala na'



Sa araw na ikaw ay lumuluha, di pa rin pansin ng iba

Sa pagkakataong naiisip mong sumuko na, sinasabi mong 'ayoko na'

Ngunit di mo ba alam na may wakas ang pagtangis, na darating din ang pag-asa

Sa oras na iyon ay wala ng pighati, papahirin na ang iyong mga luha



Kaya kung sa tingin mo'y umaandap-andap na ang pag-asa

Tumingin ka sa paligid mo, sa kalangitan ay tumingala ka

Sa mga ulap ay may kasagutan, makakasumpong ka ng kaibigan

Mauunawaan mong di ka nag-iisa at malalaman mong DI KA NAIIBA... kaibigan!

No comments:

Post a Comment