Tuesday, April 27, 2010

Ang Simula ng Isang Mahabang Paglalakbay

Ang buhay ay isang paglalakbay. Paglalakbay na kung saan ay marami tayong bagay na mararanasan. Mga bagay na kanais-nais at mga bagay na di- kanais-nais. Mga bagay na mabuti at masama. Mga bagay na malinis at marumi. Mga pangyayaring itinakda sa akin, sa’yo at sa ating lahat. Mga pangyayaring ikinatutuwa ng tao na nangyayari. Mga pangyayaring di man kagustuhan ng iba ay nangyayari. Mga bagay na humuhubog sa pagkatao ng isang tao. Mga bagay na nagpapasama sa iba. Mga bagay na nagpapalala sa iba pang mga bagay at pangyayari. Mga pangyayaring kinakailangang mangyari para matuto ang isang tao. At higit sa lahat mga bagay na kalooban at di-kalooban ng Diyos na mangyari.

Oo, masalimuot at makulay ang buhay ng tao. Ang ating mga magulang, kapatid, asawa, kamag-anak, kapitbahay, kaibigan, kaaway, kakwentuhan, kaharutan, kakampi, kalaguyo, ka-bro, ka-sis, kapuso, kapamilya, ka-blog, ka-tandem, ka-buddy, ka-team, ka-friendster, ka-facebook, kalaro o simpleng kasama lang. Silang lahat ang nagbibigay ng kulay at kahulugan sa ating buhay. Sila yung mga taong laging nakapaligid, laging nakabantay, laging nakamasid at laging naghihintay sa anumang ikikilos at sasabihin mo. Oo, ang iba sa kanila ay totoong mapagmasid ngunit marami din naman ang walang pakialam. Ang nakakalungkot lang ay mas marami pa rin yung mga taong mapanghusga sa kapwa, yung mga taong mayayabang, yung mga taong nangmamata at nanghahamak ng kanilang kapwa.

Pare-pareho naman tayong mga nilalang ng Diyos. Bakit kaya sila ganun? Bakit may mga taong mapanghusga sa kapwa?, tanong ko sa sarili ko. Hanggang isang araw nalaman ko ang sagot. May mga taong mapanghusga kasi bastos sila. Yan ang simpleng sagot na naisip ko. Pero alam ko, maraming mga dahilan kung bakit sila ganun. Siguro nga dahil walang maihuhusga yung kapwa nila sa kanila o kaya naman ay trip lang nila.

Kung may mga taong mapanghusga, mayroon din namang mga mayayabang. Sa totoo lang, naiinis ako sa mga taong ganun. Karamihan naman sa kanila hanggang yabang lang. Sila yung mga taong masyadong mataas ang tingin sa sarili. Siguro pakiramdam nila para silang Diyos na di kayang abutin ng kapwa nila. Bakit, ganun na ba talaga sila kataas? Hay naku… Ang tatayog ng lipad nila. Matatayog nga pero lumilipad naman sila ng walang pakpak. Oo, wala silang mga pakpak. Ano kaya meron sila? Siguro yung katawang lupa nila na punung-puno ng kayabangan. Bahala na ang Diyos sa kanila.

Bukod sa kanila, marami pang uri ng mga masasamang tao. Gaya na lang nung mga taong nangmamata ng kapwa. Yung mga matapobre at mga walang pusong mga nilalang. Kalimitan sa kanila e yung mga mayayaman. Oo, marami akong kakilala na mayayaman. Ganun talaga ugali nung iba sa kanila. Pero hindi lang naman sila. Meron din namang iba na feeling mayaman at matalino na dahil sa kanilang pagpapalalo sa sarili ay pipiliin pang hamakin ang kapwa kaysa tulungan at mahalin sila.

Haaayyy, ang dami na talagang masasamang tao ngayon sa mundo. Marami nang mamamatay tao, drug addict, drug pusher, mga sindikato, magnanakaw, mga taong gahaman sa pera at kapangyarihan at higit sa lahat, mga taong walang takot sa Diyos. Sabi nga sa bible, “ang pagmamahal sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.” In a simple sense, tama ang bible. Kalimitan sa mga krimen at kasamaan sa mundo ay dahil sa salapi. Salaping ginagamit ng tao araw-araw. Salaping ibinibili ng pagkain at gamot. Salaping inihahandog sa Diyos. Salaping inihahandog sa kapwa. Ang masaklap lang, ang salaping ito ay nagagamit din sa pansariling kapakinabangan ng tao. Nagagamit ito sa lahat ng uri ng kasamaan sa mundo. Nakakalungkot… Nakakalungkot isipin na tayo’y nabubuhay sa mundong punung-puno ng kapangitan, karumihan, kadustaan, kabulastugan, kahirapan, kapighatian at kasamaan.

**********

Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin ako sa Panginoon dahil sa kabila ng mga kasamaang ito, mayroon pa rin akong naaaninag na mga bagay ng kabutihan. Ang tinutukoy ko ay yaong mga positibong bagay na nangyayari sa kapaligiran. Nagkakaroon ng katuparan ang mga mabubuting bagay na ito dahil na rin sa mga taong gumagawa at nagpapalaganap ng kabutihan sa mundo. Sila yung mga taong malilinis ang kalooban na mabuti ang pakikitungo sa lahat, mga taong matulungin sa kapwa, mga taong masisipag sa paggawa ng kabutihan, mga taong hindi mapanghusga sa halip ay mga matutuwid magsikilos at makatwiran kung magsalita at higit sa lahat sila yung mga taong may takot sa Diyos.

Oo, marami ding mga mabubuting tao. Yung isang kakilala ko nga e grabe ang pagiging matulungin sa kapwa. Isa siyang teacher. Napakabait niya. Sabi nung iba medyo strict pero sa tingin ko, yung tama lang ang ginagawa niya. Ang lahat ng ginagawa niya ay para lamang sa ikabubuti ng kanyang mga estudyante, kapwa guro at kapwa tao. Salamat talaga sa kanya dahil nakabahagi ako ng kabutihang ipinapakita niya sa lahat.

Hay, nakakatuwa talaga yung mga taong nakikita mong gumagawa ng kabutihan sa kapwa. Hindi matutumbasan ng kahit anong kayamanan at luho sa mundo ang ginagawa nila. Sila’y hindi mga sugapa. Hindi sila mayayabang. Hindi sila nangmamata ng kapwa. Hindi sila ganid sa kapangyarihan. Sa madaling sabi, hindi halang ang bituka nila. Sila yung mga taong nakatakda na sa langit. Siguradong may kalalagyan na sila dun. Mahal nila ang kanilang kapwa at ang Diyos kaya mahal din sila ng Diyos.

**********

Yan ang buhay ng tao. Isang buhay na punung-puno ng karanasan, kaalaman, kabutihan, kasamaan at pag-asa. Isang buhay na tungo sa ikaliligtas o tungo sa ikapapahamak. Isang paglalakbay tungo sa iba’t-ibang lugar at panahon sa daigdig. Isang makabuluhang pakikipagsapalaran sa buhay. Isang laban na ang matibay lamang ang nagwawagi. Isang pakikipagtunggali na kailangan nating ilaban at ipanalo hanggang sa huli… Hanggang sa huling tibok ng ating mga puso… Hanggang sa huling hininga… Hanggang sa katapusan ng sanglibutan.


**********

Ako, dito ako nagsimula. Nagsimula akong magsulat tungkol sa sarili kong laban sa buhay… Tungkol sa aking kwento… Tungkol sa aking buhay… Tungkol sa aking paglalakbay.

Ibinabahagi ko ang sarili ko sa kuwentong ito. Inilalaan ko ang kwentong ito para sa buhay ko. Nalaman kong magiging masaya ako sa pagsusulat… Sa pagsusulat ng lahat ng aking mga saloobin, damdamin, kaisipan at repleksyon tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa aking buhay. Naniniwala akong simula pa lamang ito ng isang makabuluhang kwento… Ng isang mahabang paglalakbay.

**********

5 comments:

  1. Sobrang ganda ang naging paglalakbay mo at sana dumami pa ang mga taong makilala mo at dumami pa ang iyong paglalakbay

    ReplyDelete
  2. hi hello kamusta na po jan napaka-ganda ng iyong blog sapgkat may unting kulang ito ay ang expression mo sa paglakbay at kunting exaggerated na words para may kunting impact sa mga nang babasa at unting expression sa amin pro ok na rin para lang naman ito sa mga ordinaryong Pilipino hindi mga mahuhusay na ibang bansa pero congrats at have a happy day today



    -batman =1

    ReplyDelete
  3. Maganda ang iyong pag ku kwento tungkol sa paglalakbay mo at makikita sa kwento na marami kang natutunan, nakilala, at naging masaya ka sa iyong paglalakbay. Sana marami ka pang mai kwento na iyong karanasan sa susunod.

    ReplyDelete
  4. Wala ako masabi kung hindi ang swerte mo dahil sa paglalakbay mo ay marami ka nakilala tao,tradisyon at mga aral sa paglalakbay. Sana pagpatuloy mo at marami ka pa mapuntahan na lugar :)

    ReplyDelete
  5. Wala ako masabi kung hindi ang swerte mo dahil sa paglalakbay mo ay marami ka nakilala tao,tradisyon at mga aral sa paglalakbay. Sana pagpatuloy mo at marami ka pa mapuntahan na lugar :)

    ReplyDelete