Sunday, May 16, 2010

Kapalit ng Paghihintay

“Kung ang kapalit ay pag-ibig na dalisay, Tunay na makabuluhan ang pagtitiis at paghihintay.”

Sa pagbubukas ng umagang kay ganda
Sa paglalaho ng buwan at mga tala
May ninanais na sana’y makakasama
Isang taong makapagbibigay ng sigla’t saya

Sa pagdaan nitong kinaumagahan
Ang puso’y naninimdim sa kinasapitan
Nang dahil sa paghihintay ng kaligayahan
Tila ay naudlot at sa halip ay kasawian

Sa kinahapunang marahang lumalakad
Sa napipintong takipsilim na agad bubungad
Naghihintay pa rin ang pusong nagsusugat
Matamang nagmamasid ang matang nakamulat

Ngayo’y sumapit na ang gabing pumapanglaw
Sa kalawakan ng katahimika’y walang dumudungaw
Nang lumakas ang hangin at bumuhos ang ulan
Sumabay ang pagtangis at lumbay ng kalooban

Lumalalim ang gabi’t lumalakas ang ulan
Nang sa pinto’y may kumatok at agad pinagbuksan
Ang pinakamamahal ang siya palang dumating
Agad siyang niyakap at damdami’y umigting

Sa karanasang ito ng pighati’t pag-iisa
Sa bawat kalungkuta’t hirap na nadarama
Ay may pusong nagmamahal sa nangungulila
May taong umaalala’t gumagabay sa tuwina

Ang buhay ng tao minsan ay malumbay
Lagi lang iisiping mayroong aagapay
Mayroong nagmamahal na handang dumamay
Wagas na pag-ibig kapalit ng paghihintay

No comments:

Post a Comment