Ako ay isang tao. Ako ay isang taong punung-puno ng katangian kahit pa hindi ito pansin ng iba. Sa tingin ko hindi nila napapansin ang mga katangiang ‘yon dahil hindi naman talaga ako kapansin-pansin at hindi rin ako mahilig magpapansin sa iba. ‘Yun na.
Ako si Still… At siguro ako lang ang may ganitong pangalan… unique ika nga. Maybe 99% akong sure na ganun nga… E sa dami ba naman ng tao sa mundo, malay mo baka meron nga akong kapangalan. Ibigay ko na yung 1% kung meron nga.
Ako ay isang simpleng tao. Oo, ganun ang turing ko sa sarili ko. Dalawpu’t isang taong gulang na ako ngayon. Ito ang aking ipinagmamalaking edad habang sinusulat ko ang akdang ito. Kung sa mukha’t mukha lang ang pagbabasehan ng aking katauhan ay palagay ko hindi naman ako pahuhuli. Ang ibig kong sabihin ay hindi naman ako panget. Oo, hindi nga pero sa tingin ko at sa tingin din ng iba e hindi naman ako ganoong kagwapuhan. In short, average look. Medyo payat din ako, matangkad at Moreno. Hindi maipagkakailang isa akong tunay na Pilipino. Itim ang buhok ko, may dark brown na mga mata, matangos ang ilong at medyo makapal na kilay at malaking mata. Pero hindi naman ganoong kalakihan ang mga mata ko na akala mo’y iluluwa na ng mukha ko. Isa ko pang katangian ay ang maganda kong mga ngipin. Alagang-alaga ko ba naman. Three times a day akong nag-tutoothbrush. Bukod dito ‘yung labi ko naman ay tama lang. Hindi siya makapal at hindi rin namang gaanong kanipis. Sa pangkalahatan, ang lahat naman ay naaayon sa hubog ng aking mukha at katawan. ‘Yun nga lang, hindi lahat ay perpekto, hindi lahat ay kanais-nais at hindi lahat ay magaan na dalhin sa katawan. Kung anu ‘yon, tiyak na maisusulat ko sa pagdaan ng mga panahon.
**********
Kung ugali naman ang pag-uusapan, marami ako nyan. Sabi ng iba mabait daw ako. Oo, tama naman sila. Mabait ako sa taong mabait sa akin. Ofcourse, kung mabait ang isang tao sa’yo dapat ganun ding kabaitan ang ipakita mo sa kanya. It’s very unfair kung masama ang ipapakita mo sa kanila sa kabila ng mga kabutihan at kabaitang ibinibigay nila sa’yo di ba?
Sabi ng marami suplado daw ako. Siguro nga oo dahil hindi ako madalas mamansin ng tao lalo na’t hindi ko naman kakilala. Pero minsan kahit na kakilala ko ay hindi ko pinapansin kasi ‘di ako mahilig makipag-eye-to-eye contact sa kanila. Nahihirapan ako e. Pero ngayon, pinipilit ko nang maging sociable at nice sa ibang tao kaya pinapansin ko na sila. Ganunpaman, may konting hirap pa rin sa part ko na makipag-usap sa kanila.
Medyo kuripot din ako. Oo, inaamin ko naman yun. Nagiging kuripot lang ako madalas sa harap ng ibang tao pero yung para sa sarili ko syempre hindi ako nagkukuripot. Ewan ko ba kung bakit ganun. Selfish ba ako??? Hindi naman kasi nagbibigay naman ako sa iba kung meron din naman akong ibibigay. Siguro lang minsan e hindi talaga maiiwasang magkuripot ako na para bang ayaw kong pakawalan ang pera sa mga kamay ko.
Marami pa siguro akong ugali na hindi ko pa nababanggit sa akdang ito. Siguro mababanggit ko rin yon sa ibang mga pagkakataon. Anyway, may isa akong ugali na maipagmamalaki sa buong mundo. Yun ay ang hindi ko pagiging mayabang. Hate ko talaga yung mga taong nagyayabang kaya di ako gumagaya sa kanila. Wala naman silang makukuhang maganda sa pagyayabang. Karamihan sa kanila ay napapasubo sa away. Sila yung mga taong dumadaan sa kalye ng kapahamakan dahil sa kanilang kayabangan.
**********
Maraming nagsasabi sa akin na misteryoso daw akong tao. Siguro nga ganoon ako.dahil siguro sa pagiging tahimik ko kaya nasasabi nila ‘yon. Pero hindi nila alam na nagiging madaldal din naman ako kapag kausap ko na yung ibang tao gaya nung mga friends ko.
In a sense, tama din naman yung observation ng ibang tao about me. Pero aaminin ko rin na sa kabila ng mga katangiang ito ay parang hindi ko pa rin kilala ang sarili ko. Sa ngayon, maraming bumabagabag at gumugulo sa aking isipan. Sana balang araw maging maliwanag ang lahat sa akin.
Speaking of katangian, ang paniniwala ko ay matalino ako. Pero average lang siguro kahit pa sinasabi ng iba na ang galling-galing ko. Lalo na nung nag-aaral pa ako sa college. Ako kasi yung nakakuha ng pinakamataas na parangal nung graduation namin. Hindi ko naman siya masyadong isiniksik sa utak ko kasi lalo akong mape-pressure sa expectations ng mga tao sa akin kung gagawin ko yun. Oo, maraming tao sa paligid ko ngayon ang nakaka-pressure. Nandyan ang boss, mga ka-trabaho, kaibigan at pamilya lalo na ang mga magulang ko. Pero okay lang naman. Nagsisilbi rin itong challenge sa simpleng buhay ko.
**********
Kung talent naman ang pag-uusapan, masasabi kong mayroon din naman ako kahit konti. Itong pagsusulat ko ng mga akda, tula at kanta ay itinuturing kong isang talento na galling sa Diyos. Sana nga lang magtagal ito. Sana hindi matigang ang utak ko. Sana marami pa akong maisulat. Nagsisimula pa lang naman ako at medyo kakapa-kapa pa sa dilim. Pero sa awa ng Diyos, naniniwala akong magtatagumpay din ako balang araw gamit ang talentong ibinigay Niya sa akin.
Bukod dito, may talento rin naman ako s a pag-awit. Yun nga lang kailangan ko pang i-build ang confidence ko habang kumakanta. Hindi naman sa nahihiya ako, madalas lang talaga na nerbiyos ang nauuna sa kin. Madalas sa hindi ay nilalamon ako nito kayat nasisira ang bawat performance ko. Pero ngayon, unti-unti ko nang nalalabanan ang takot ko. Pinipilit kong i-improve ang sarili kong talento.
Sa mga talentong pinasabog sa mundo, nasubukan ko na rin namang sumayaw kahit papaano. Oo, hindi ako marunong magsayaw pero pinilit ko na lang. Sa huli, natutunan ko rin namang umindak at gumiling-giling. Nasubukan ko na ring umarte. Umarte sa mga role-playing nung highschool saka college. Madalas ko itong nararanasan sa kadahilanang requirement ito sa ilang mga subjects sa eskwelahan.
**********
Ito ang sarili ko. Ito ang simple kong pagkatao. Marahil kapareho lang ako ng iba. Isang ordinaryong mamamayan ng Pilipinas. Isang maliit na bahagi ng populasyon ng mundo. Isang taong mahilig magsulat.
Ito ay isa lamang maikling pagpapakilala ng sarili ko. Sa pagdaan ng mga panahon, madadagdagan pa ang maisusulat ko tungkol sa sarili ko at sa aking paglalakbay. Mahaba pa ang buhay. Ngunit kung ito na ang huling akdang magagawa ko, at least naranasan kong magsulat. Naranasan kong magkwento ng aking buhay.
same tayo ng ugali.
ReplyDeleteAng ganda ng pagpapakilala mo 😊
ReplyDeleteStill? Still one? Hehe galing mopo
ReplyDelete