Wednesday, June 9, 2010

“Minsan ay humaharap sa sigwa ang Pagkakaibigan
Humahantong sa tampuhan at minsa’y Paghihiganti
Ngunit laging may lugar sa magkaibigan ang Pagpapatawad.”


Nakatitig ka ba ngayon sa kalangitan?
O nakikinig sa ‘yong kinaiinisan?
Umaasa ka bang maibabalik ang nakaraan?
O papayag ka na lang na dumugo ang kalooban?

Nawala na ba ang tiwala’t pag-ibig
Na ibinigay sa kanya kahit di nagpaantig
Sa puso niyang bato, sa puso niyang sawi
Sa damdamin niyang ngayo’y ‘di na mawari?

Kung ang samaha’y dating maligaya
Di ba maaaring ibalik ang sigla?
Kung siya man ang sanhi ng iyong mga sugat
Di ba’t maghihilom din kahit pa magluwat?

Kahit pa naguguluhan sa sitwasyong kinahantungan
Di ba’t maaayos din ang pagsasamahan?
Bakit ‘di mo baguhin ang puso’t isipan?
Alam kong mahirap ngunit ito lang ang paraan

Nababalot na ba ng poot at paghihiganti
Ang iyong pagkataong ‘di na gaya ng dati?
Ang isang kaibigang kalungkutan ang bumabati
Di mo ba magagawang pansinin na muli?

Ngayo’y may bago na siyang mga kaibigan
Ngunit ‘di ibig sabihi’y nakalimutan ka na nang tuluyan
Humahanap lang siya ng bagong kasiyahan
Kahit pa ‘di mo tanggap ang ilan niyang kasamahan

Alam kong mahirap ang iyong pinagdadaanan
Marahil ay nalulumbay at nagpupuyos ang kalooban
Di ko man alam ang buong katotohanan
Nadarama ko naman ang iyong karaingan

Di ba’t mahirap mabuhay kung may bagabag?
Kahit ‘di ka man pipi, bingi o isang bulag
Mawawaglit mo ba ang tampong naitanim
Sa puso mong dalisay ngunit ngayo’y naninimdim?

Alam kong lilipas din ang iyong dinaramdam
At ang iyong galit ay unti-unting mapaparam
Di ko man makita ang nilalaman ng iyong puso
Alam kong ang kilos mo’y marahan nang nagbabago

Sakali mang naghilom na ang iyong mga sugat
Di ba’t nararapat lang na handa ka nang magpatawad?
Di ba’t magiging maluwag sa iyong kalooban
Kung wala ka nang hinanakit sa iyong kaibigan?

Bakit ka pa lalayo sa minamahal mong kaibigan
Kung siya lang ang nagpapagana ng iyong katauhan?
Bakit mo pa iisipin ang ibang mga bagay
Kung ito lang ay makakasira ng inyong mga buhay?

Bakit mo pa hahayaang magbago ang pagtitinginan
Di ba’t masasayang lang ang inyong pinagsamahan?
Bakit mo pa tatalikuran ang iyong kaibigan
Di ba’t masarap na mayroon kang kahuntahan?

Lagi mong tandaan na mahirap makipagkaibigan
Lalo na sa taong labis kang pinahirapan
Ngunit lalo pang mahirap ang makipaghiwalay
Sa isang kaibigang minahal mo ng tunay

Hanggang may pagkakataon, hanggang siya’y nabubuhay
Ipakita mo sa kanya ang pag-unawa’t pag-alalay
Magtiwala ka’t manalig sa iyong kaibigan
Hangga’t ‘di pa huli ang lahat, mahalin mo siya ng lubusan

Ano kaibigan, gumaan ba ang iyong kalooban?
Tumimo sana sa’yo ang halaga ng pagkakaibigan
Hindi man perpekto ang ganitong samahan
Di ba’t masaya naman at walang katumbas na kayamanan?

No comments:

Post a Comment